Wednesday, February 13, 2013

I AM FREE

Si Anna Marie ay aking nakilala sa simbahan. Madalas ko na syang makita noon pero Oct 2012, sa isang gawain ng simabahan ko lamang po sya unang nakausap. Narinig ko din noon ang kanyang maikling testimony na nagbigay idea sa akin ni mailathala din sya sa blogsite na ito. Siya po ay tubong Cebu, bisaya man day siya...hiwalay sa asawa, walang anak. Isusulat ko po ang kanyang buhay hindi para pag piyestahan o husgahan siya kundi para po mas makilala natin sya at kapulutan ng aral.

1. Anna Marie, ano ba ang nagtulak sayo para mangibang bansa at pumasok bilang isang katulong?

ANSWER: Ang main reason po kung bakit ako nagpasyang magtungo sa abroad ay para matustusan po ang pagpapagamot sa tatay kong may sakit na diebetis at ulcerative colitis - isang klase po ng ulcer na humantong na sa colon cancer. Ubos na po talaga kase ang pera namin ng nanay ko pati yung savings ko ay sagad na din po, to the extent na kailangan ko na pong mag loan sa banko para lang mabayadan namin ang hospital bill, naranasan din po naming pumila sa PCSO, humingi ng tulong sa mga congressman at lumapit din sa isang charity ng church na nagbibigay ng libreng gamot kung may resita kang maipapakita..yan po ang main reason kaya ako umalis pangalawa na lamang po ay dahilan na takasan ang aking buhay may asawa.

2. First time mo bang mag abroad?

ANSWER: Opo, first time ko pong makapag abroad.

3. Ikaw ba ay aware sa mga nangyayari sa ilang mga Pilipina na inabuso ng kanilang among ibang lahi?

ANSWER: Aware na aware po ako dyan na madami sa ating mga kababayan ang umuuwing mga bigo dahil mga napagmalupitan at inabuso ng kanilang mga amo. Honesty, natakot po akong umalis, hindi ko din alam kung kakayanin ko pong mamasukan bilang isang katulong sa abroad.

4. Natatakot ka naman palang umalis at aware ka pala sa mga Pilipinang inabuso ng kanilang mga amo, bakit pinili mo pa ding umalis, at pasukin ang isang trabaho na hindi mo naman ginagawa sa Pilipinas?

ANSWER:  Bakit pa din ako umalis? Kase kailangan po. Kailangan kong gawin para sa pamilya ko, kailangan kong gawin para sa makapagpatuloy pong magpagamot ang tatay ko. Pinasok ko din po ang pagiging isang katulong dahil ito ang pinakamabilis na solusyon noon para sa akin. DH lang kase ang pinakamabilis na pwedeng mapaalis ng agency noon.

5. Ano ba ang naging pangarap mo bago ka magtungo sa Kuwait?

ANSWER: Noon pa man ay pinangarap kong mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya, makapagpatayo ng sarling bahay, magkaroon ng sariling negosyo, maipagpatuloy ang aking pagaaral at maging isang ganap na Engineer, magkapagpatayo ng Home for the Aged at makapag abroad.

6. May natupad na ba sa mga pangarap mo na yan?

ANSWER: Opo, Ate Michelle may ilan naman na pong natupad gaya ng
sariling negosyo - dati po akong may bakery pero nawala din dahil sa problema ko po sa aking asawa.Nagkaron din po ako ng bahay galing sa pagibig kaso nawala din po ...mga pangarap na NAWALA ayun ang pwede kong masabi. Pero naniniwala ako na isa isang matutupad kong muli yan sa tulong ng ating Diyos.

7. Tumakas ka lang sa amo diba? Maari mo bang ibahagi sa amin ang dahilan kung bakit ka tumakas?

ANSWER: Sa totoo lang po ay pang-apat na employer na po yang tinakasan ko. Yung una sobrang selosa nung amo kong babae, yung panagalawa po umalis na sila papuntang London hindi naman po nila ako kayang isama, yung pangatlo mababait naman kaso nung dumating ang masamang balita sa akin na namatay na pala ang tatay ko na siyang dahilan kung bakit ako nagpasyang magabroad ay nakiusap ako sa kanilang makauwi ako kahit ako na ang sumagot ng pamasahe ko balikan kaso hindi po sila pumayag kaya bumalik na lang po ako sa agency. Masyadong gulo po ang isip ko noon, ang gusto ko lamang po noon ay makauwi, iyak ako ng iyak sa agency kaso hindi na din po ako gustong tanggapin noon ng agency bumalik na lang daw po ako sa mga amo kaso may kuwaiti pong dumating na naghahanap ng khadama ang nakapansin sa akin tinanong nya po ako kung bakit ako umiiyak. sinabi ko po ang dahilan. Mukha naman siyang na awa kung kayat nag offer po sya na siya na lang ang kukuha sa akin 3 months lang daw po akong magtrabaho sa kanila tapos po noon ay papauwiin nila ako sa Pinas na sagot nila ang aking ticket kapalit ng pagtatrabaho sa kanila ng 3 buwan na walang sahod. Pumayag po ako.Basta makauwi lang po ako after 3 months. Napakahirap ng dinanas ko sa bahay na yon. Noon ko lang naranasan sa tanang buhay ko ang ganong klaseng paghihirap. Ako ang gumagawa ng lahat, mahigpit din sila sa pagkain...yung pagkaing tira lang nila ang pwede kong kainin KINABUKASAN pa. Kung may matira man ngayon sa pagkain nila bukas ko pa po yun pwedeng makain...naranasan ko ng kumain ng panis. Iyak ako ng iyak habang nililinis ko ang kanilang sasakyan sa madaling araw kahit sobrang lamig. Noong matapos ang 3 buwan kinausap ko na sila tungkol sa aming kasunduan. Wala na daw kaming kasunduan. Sabi ko ibalik na lang nila ako sa agency, wala na din daw po akong agency na babalikan. Sinabi ko sa kanila kung hindi nyo naman pala ako mapapauwi ibigay nyo na lang sa akin yung mahigit 3 buwang pinagtarabaho ko sa inyo para maipadala ko sa Pilipinas. Pero hindi pa din nila ako binigyan hanggang sa umabot yun sa 5 buwan na ayaw nila akong bigyan ng sahod. Ilang beses na akong nakapag isip na tumakas kaso nananaig po yung takot sa akin. Isang beses sobrang nilait na ako ng amo ko, hindi ko kase kayang lutuin ang gusto nyang ipaluto sa akin. Dinuro duro nya ako at binatukbatukan, sa gigil ko noon yung hinuhugasan kong kitsulyo ay idinuro ko din sa kanya. Sinabi ko sa kanyang titiisin ko ang mga masasakit mong salita ang mga sigaw mo sa akin pero wag mo akong sasaktan dahil hindi mo ako kilala. Sa inis ko naidiin ko sa palad ko habang akoy nakikipagusap sa amo ko yung kutsilyo hanggang nagsugat at nagdugo. Hindi ko na kayang i hold ang patience ko kaya kinabukasan habang wala ang mga amo ko nagpasya akong umalis, tumakas. Iisa lang ang paraan para ako ay makatakas dun, yun ay ang pagtalon mula sa ikalawang palapag ng bahay na iyon. Una kong inihagis ang aking bag kaya wala na po akong choice kundi ituloy ang aking balak na pagtakas. Pag talon ko na out balance ako na naging sanhi para mamaga ang aking mga paa. Yung mga contruction worker sa tapat bahay namin ang tumulong sa akin na makadaan sa short cut at tagong lugar para mabilis po akong makarating sa Jamiya kung saan darating ang susundo sa akin na pinsan ko. Mula po sa Jamiya ay nagtuloy po ako sa agency kung saan ang aking pinsan ay nanggaling din.

8. Ano ang nagbigay sayo ng lakas ng loob para tumakas?

ANSWER: Ang nabigay sa akin ng lakas ng loob para tumakas ay ang sarili kong pangarap na magkaroon ng magandang buhay. Ngayong wala na ang tatay ko naisip ko naman na magpursigi para sa sarili ko, para hindi po akong umuwing talunan at para hindi ako pagtawanan ng asawa ko.

9. Maari mo bang ilarawan ang nararamdaman mo noon habang papalayo ka sa bahay ng iyong employer?

ANSWER: Sobrang takot ko po noon, sa sobrang kaba halos parang hindi ko maihakbang ang mga paa ko. Naginginig ang aking mga tuhod sa pangyayaring iyon ni hindi ko nga naramdaman ang sakit ng paa ko sanhi ng pagkakahulog ko sa 2nd floor. Pero nagdadasal ako noon, na tulungan Nya ako. Thank God naman hindi Nya ako pinabayaan.

10. Sa kabila ng nangyari sayo naisip mo bang umuwi na lang sa Pilipinas? Kung OO, bakit hindi ka pa din umuwi?

ANSWER: Naisip ko na ding umuwi, gawa nga ng hindi naman na ako makapag trabaho kase magang maga po talaga ang mga paa ko noon, kaya lang noong unti unting nagiging maayos na yung kalagayan ko binenta ulit ako ng agency. Pumayag na din po ako sa kagustuhan kong maayos na ang papel ko at hindi ako makasuhan. At naisip ko din yung laki ng mga kailangan kong bayadan sa Pilipinas noong pagpapalibing sa king tatay. Alam mo te napakalaki din ng bahay ng huling amo ko na ito pero nagkaroon naman ako ng kasamang pinay kaso lagi syang napapagalitan kase hindi nya magawa ng tama at maayos ang mga trabaho. Pinakiusapan ko yung amo ko na ako na lang ang gagagawa ng mga hindi nya magawa. Ayokong maiwan dun nagusap kaming 2 na kahit anong mangyari walang iwanan sabay kaming uuwi ng pinas. Kaso isang malaking kapalpakan na naman ang ginawa nya at hinampas na sya ng tungkod ng amo namin at ibabalik na sya sa agency, nakiusap ako na hwag tutulungan ko na lang kako yung isang Pinay sa mga gawain nya kaso ayaw na din nila sa kanila kaso parang hindi ko naman po kaya na ako na lang ang maiwan doon kaya noong hinatid nila yung kasama ko nagpumilit na din ako na isama na din ako sa paghahatid sa kanya. Mabait naman sila actually sila pa ang nagpagamot sa paa ko noon.Kaso po ay nanindigan na ako na ayoko ng magtrabaho sa kanila. Pulis ang amo ko nakiusap ako sa kanila na bigyan na lamang ako ng release kase gusto ko namang magamit talaga kung ano ang pinag aralan ko. Nakiusap talaga ako sa kanila, nagmakaawa sa kanila sinabi kong hihingi ako ng tulong sa mga kamag anak ko para mabayadan ko yung release ko at makapagtrabaho na lang ako sa labas. Salamat talaga at pumayag naman sila. Kaya nagstay ako sa agency hanggang mapadalahan ako ng ninang ko, mama ko at bestfriend ko. Sila ang tumulong sa akin sa pinansyal para ako ay makapagtrabaho sa labas.

11. Buti hindi ka natakot na kausapin ang amo para bigyan ka ng release?

ANSWER: Gaya nga ng una kong pahayag, sobrang pagmamakaawa at pakikiusap ang ginawa ko. Hindi ako natakot kahit pulis pa yung amo kase wala naman akong masamang ginagawa. Basta naman nasa tama ako kaya kong magsalita at ginagawa ko ito para sa pamilya ko and ayokong umuwi ng bigo.

12. Anna Marie, alam mo bang ang daming nahihiya dyan na ipaalam sa bahay sila nagtatrabaho. Ikaw ba, ikinahihiya mo ba na dati kang naging isang katulong?

ANSWER: Hindi. Never kong ikinahiya ang pagiging isang katulong, DH, khadama. Sa trabaho ko pong ito ako nagkaroon ng madaming kaalaman sa gawaing bahay. Natutunan kong magluto, magplantsa, maglaba, maglinis ng napakalaking bahay, magkarga ng bata, magpalit ng diaper, maghugas ng dumi ng bata, maglinis ng cr. Akala ng iba mababang posisyon lang pagiging isang katulong pero taas noo ko pong ipagmamalaki yun kase nagampanan ko ng maayos ang pinakamahirap na trabaho na alam kong hindi kakayanin ng iba.

13. Mula sa bahay bilang isang katulong, ano na ngayon ang iyong trabaho?

ANSWER: Isa na po ako ngayong Secretary sa isang Aluminum Company dito sa Kuwait at kamakailan lamang po ay nabigyan na ng increase in salary. Papuri sa Diyos.


14. Paano ka ba nakapasok sa trabaho na yan?

ANSWER: Noong lumabas ako ng agency ang trabaho ko po talaga ay office clerk sa isang Clothing Company, ako po yung incharge sa stock transfer ang pinsan ko ang tumulong sa akin na makapasok po doon sa sahod na 100kd. Hindi din po ako doon nagtagal at napalipat naman ako sa isang Glass Company sa parehong sahod din po. Isa sa customer ko po doon ang nagrefer sa akin dito sa trabaho ko ngayon. Sya po ang dahilan at ako'y isa na ngayong secretary.

15. May natutunan ka ba sa mga nangyari sayo bilang isang katulong. Maari mo bang ibahagi.

ANSWER: Napakalaki ng natutunan ko, ang mga simpleng gawaing bahay na yan ay hindi ko po talaga alam gawin or lets say hindi ko nagagawa sa Pilipinas pero noong dumating ako dito sa Kuwait lahat yan natutunan ko pati ang pagkain nga panis na ulam natutunan ko eh. Hehehehe..mahirap ang maging isang katulong mas lalo pang magiging mahirap ang pagiging isang katulong kung alipin ka kung tratuhin ng amo mo. Sa pagiging isang katulong mas naging mahaba ang aking pasensya.

16. Ano naman ang natutunan mo ng minsan kang naging isang takas?

ANSWER: Kung mahirap maging isang alipin na katulong mas mahirap ang maging isang takas. Ang isang takas ay alipin naman ng takot at kaba. Noon kase dahil sa mga hindi maganda na naririnig ko tungkol sa ating embahada ay hindi ako nagpasya na doon dumerecho. Alam ko na habang may buhay ay may pag-asa. May paraan naman po eh para hindi ka habang buhay na maging takas. Kung gusto talaga natin maayos ang ating mga estado sa buhay gagawin natin ang mga hakbang para tayo ay mapaayos. Kung kailangan mong makiusap, kainin ang pride mo gawin mo, gagawin mo talaga para mas mapabuti ang kalagayan mo. Hwag po tayong makuntento sa pagiging isang takas lang maaring oo patuloy pa din taong nakakapagtrabaho at nakakapagpadala sa Pilipinas pero di hamak na mas malaki ang mawawala sakaling tayo ay mahuli. Makukulong na tayo, hindi tayo makakapagpadala sa pamilya natin at black listed pa po tayo sa Middle East.

17. Nasabi mo na may problema kayong mag asawa na tinakasan mo lang din ang buhay mo may asawa. Madami kase ang pamilyang nasira dahil sa kanilang pag aabroad. Isa ka ba sa kanila Anna Marie na kaya nasira ang pamilya ng tuluyan ay dahil sa pangarap na pag aabroad?

ANSWER: Maayos naman po silang lahat sa Pilipinas. Matagal na kaming hiwalay ng asawa ko Ate Mitch, hindi po sa  pag aabroad ko ang dahilan ng aming hiwalayan. Bago pa man po ako tumulak pa Kuwait ay hiwalay na kami. Nasira po ang aming pagsasama dahil sa third party, nagkaroon po ng ibang babae ang aking asawa. Bagay na nagbigay talaga sa akin ng sobrang sakit. Grabe hindi ko kayang tanggapin. Alam mo yun te ang sakit sakit ng ganoong makita mo ang asawa mo na may ibang kasama na at doon pa mismo sa bahay ng mga magulang nya tinira. Masyado naman na nilang pinakita talaga na ayaw nila sa akin. Tutol na tutol kase ang mga magulang nya sa akin, dahil mahirap lang daw kami. Alam mo te inaamin ko sa sobrang galit at sakit sinabi ko din noon sa sarili ko kung kaya mo kaya ko din. Nagkipag relasyon din po ako sa mas angat sa kanya noon para ipakita sa kanya na ikaw lang ba may kayang gawin nyan? Ngayon alam ko na, na mali yung ginawa ko na yun. Noon yun te, yun yung dating ako. Kaya lang dahil hindi ko din gustong mas lalong lumalim ang relasyon namin ng boyfriend ko mas pinili kong lumayo para ma save ko pa din ang sarili ko, umabot na din kase sa puntong gusto ko ng wakasan yung buhay ko dahil sa mga paghihirap na dinanas ko noon sa kanya. Sa ngayon te inaayos na po nila sa Pinas yung papeles namin upang maging legal na kaming hiwalay ng aking asawa.

18. Naisip mo ba minsan na ayusin ang pamilya mo?

ANSWER: Opo Ate Mitch sinubukan din naman po naming magbalikang mag asawa kaso iba na talaga. Mahirap ng ibalik yung dati pagkatapos ng napakaraming masasakit na nangyari.Siguro ay dahil na din po may iba akong napagbalingan ng atensyon noon. Kung ikukumpara ko kase sya sa asawa napakalaki po ng kaibihan nya. Napakamahinahong lalaki din po nya di po tulad ng asawa ko na palaaway, na laging nasasabak sa gulo, na minsan ko na pong ikapahamak ng harangin ko yung sasaksak sa asawa ko, naaksidente din po kami sa klase ng pagmamaneho nya nakailang beses na po kaming nababangga na ang huli nga po naging dahilan para 4 na buwan akong hindi makalakad. Binubugbog din ako ng asawa ko Ate Mitch. Napakarami kong mga masasakit na karanasan sa kanya, sobrang haba kung ikukwento ko pa po pero para mapaikli lang po ang mga pangyayari ang masasabi ko lang po - hindi po ako naging masaya sa kanya.

19. Hindi biro ang pag-aasawa, hindi ito isang kanin na pag iyong isinubo ay pwede mo pa ding iluwa. Base sa iyong karanasan pwede ka bang mag iwan ng isang payo para sa mga kabataan o sa mga kababaihan na gusto agad pasukin ang pag-aasawa.

ANSWER: Tama po Ate Mitch mahirap po talaga ang mag asawa..ang maipapayo ko lang po di dapat madaliin ang pag aasawa, ito po ay pagisipan munang mabuti. Sa naging karanasan ko sobrang sobrang hirap po talaga, kailangang planuhin ng maigi, kung ready nyo na bang tanggapin ang differences ng bawat isa, hanggat maari ay kilalanin nyo pong mabuti ang magiging asawa nyo at tignan kung kakayanin ba nyang humawak ng responsibilidad bilang Padre de Pamilya. Ang isang makakapareho sa buhay ay di mo na lang mamalayan na nandyan na pala...yung tipong handa kang makasama ng habang buhay, laging makikinig sayo, yung tipong kahit sa kalungkutan na kayo'y magkasama parang ang saya pa din kase nandyan kau para sa isa't isa. Mahirap mag asawa kung hindi pa kau handa at kung hindi ito ang kalooban ng Panginoon. Isa lang naman yan eh... PRAY.

20. Sa palagay mo ba aksidente lang na hindi ka umuwi sa Pilipinas ng bigo at nagpatuloy ka pa din dito sa Kuwait?

ANSWER: Hmmmp..sa tingin ko po hindi talaga aksidente yung hindi ko pag uwi matapos ang lahat ng nangyari sa akin noon. Alam ko Ate Mitch na ito ang kalooban ng Panginoon na manatili sa Kuwait, kahit parang gusto  ko ng sumuko pero meron pa ding nag tutulak sa akin na laban lang at sasamahan kita. At iyon po ang ating Panginoon, never po Nya akong binabayaan. Sobrang mahal Nya ako. Kung ano man po ang meron ako ngayon ay SA KANYA LANG po yun lahat galing...nagpatuloy ako dito sa Kuwait dahil ito ang Kanyang kalooban ang makilala ko sya at  magsimulang maglingkod sa Kanya.

21. Gusto mo bang itama ang buhay mo? Ano ba sa palagay mo ang magiging paraan upang magtuloy tuloy na ang pagayos ng iyong buhay?

ANSWER: Opo naman Ate Mitch, siguro naman walang taong ayaw mapaayos ang kanilang buhay. Minsan nga lang po may mga tao na ayaw sumunod agad agad, yung tska na lang  ba. Tama nga lang po ang naging desisyon ko noon na manatili sa Kuwait. Ito sa palagay ko ang paraan para ako'y magtuloy tuloy na mapaayos ang buhay... yung lalo ko pa Syang makilala dito. Yung mas maging malalim pa ang relasyon ko sa Panginoon. Yung mapaligiran ako ng mga kapatiran na laging may mga GODLY ADVICE sa akin. Yung patuloy kong paglapit sa Panginoon ayun ang alam kong magiging napagakahalagang bahagi para mapaayos ang aking buhay. I want to be equiped and be used by God upang sa akin pagbabalik sa Pinas ay madala ko din ang aking mga mahal sa buhay sa Panginoon. Na tulad ng mga nararanasan ko ay maranasan din nila. Ayan ang tamang pag sasaayos ng buhay hindi lang ang sarili mo kundi ang buong may kinalaman sa akin - sila yun ang pamilya ko.

22. Masaya ka ba ngayon Anna Marie?

ANSWER: Hindi lang po masaya Te Mitch, sobrang sobrang saya po talaga. I'm enjoying everything i have in Kuwait right now. Masaya ako na ni lead ako ng Panginoon sa tahanan nila Sis Mae Basilio para doon po ako mag rent. Siya po ang nagdala sa akin sa church, sya po ang ginamit ng Panginoon para makilala ko  po ang Agape, sya po ang naging daan para makilala at makasama ko po ang buong FLCC na tinuturing ko pong  pamilya ko. Hindi po talaga mapaliwanag ang saya na nararanasan ko ngayon...napakalaking kaibihan ng buhay ko ngayon. Magpapasalamat na din po ako sa mga naging daan para ako po ay makapag trabaho sa labas sila po ang tumulong sa akin financially, ang ninang ko na si Liza Marie Nadela, sa aking nanay Guadalupe Correa ang ang aking bestfriend at business partner na si Simon Gollon salamat sa kabutihan nyo, salamat sa pagtulong nyo sa akin. Sobrang saya ko na ako ay hindi nyo pinagdamutan ng tulong. Kasama ka din doon Ate Mitch sa aking pinasasalamatan, bago man po ako pero napaka warm po ng pagtanggap ng buong E-Team sa akin noon. Sobrang sobrang saya ko kahit ako'y single..hehehehe hindi na ako naglong ng someone else sa buhay ko dahil enough na si GOD para sa akin. Sya ang main source ng happiness ko. He made me new. Maaring hindi madaling maging isang tapat na kristiano pero alam ko i'm getting there with God's help - yun naman po dapat diba ang tularan natin ang yapak ni Jesus Christ. I was once a maid, a runaway and was made free by my GOD. I AM FREE and Lord i offer my life to you....


Siya si Anna Marie na binansagan naming kimi dora... kahawigin nya kase si kimi dora. Alam mo Anna Marie, may mga pangyayari talaga sa buhay natin na magiging daan para tayo ay magsuko ng buhay sa Panginoon. Salamat naman at ang ligtas na daan ang tinahak mo noong mga down na down ka na sa mga paghihirap na sinuong mo.
Halos lahat naman ng iyong sagot sa mga tanong ay kinapulutan ko ng aral pero i want to emphasize more sa part na sinabi mong...

"Akala ng iba mababang posisyon lang pagiging isang katulong pero taas noo ko pong ipagmamalaki yun kase nagampanan ko ng maayos ang pinakamahirap na trabaho na alam kong hindi kakayanin ng iba."

Totoo yan. Madami dyan na mabababa ang tingin nila sa mga katulong, maid, khadama, kasambahay pero hwag ka, hindi din naman nila kaya ng sila lang, kumukuha pa naman din sila ng mga katulong. Diba, kung ganon lang ang tingin mo sa kanila eh di hwag ka na lang kumuha ng katulong. Tama ba? Ako - proud ako sa inyo. Maaring hindi ako naging isang katulong pero bilang isang ina alam ko kung ano ang trabaho nyo. Mas mahirap yung tungkulin nyo kesa sa amin, bakit kase hindi nyo naman kaano ano ang mga pinagsisilbihan nyo, kung ako nga na INA nahihirapan sa pagsisilbi sa pamilya ko kayo pa kaya. Yung tipong hugasan mo ang dumi ng alaga mo eh hindi mo naman yan anak. Kadalasan pa nga mas nagagampanan pa ng isang katulong ang pagiging isang magulang kesa sa mga tunay na magulang...Tama ka dyan Anna Marie at alam kong madami sa mga kababayan nating katulong ang mag aagree sa sinabi mo na isa yan sa pinakamahirap na trabaho na hindi kakayanin ng iba.
Sa pag gising sa umaga ( una ka pang gigising ) simula na ang trabaho ng mga katulong, derederecho na yan hanggang gabi yun na lang naman ang pahinga nila eh yung pagtulog nila sa gabi na kadalasan ay late na late pa.... Sa mga kabayan ko na katulong saludo ako sa inyo...sa mga kabayan ko naman na nahihiya na malaman ng iba na katulong pala sila sa ibang bansa - well, it's about time to be true to yourself and be proud - nakita nyo ang sinabi ni Anna Marie, hindi kaya ng iba ang kayang gawin ng mga katulong.